Ipinahayag ng beteranang aktres na si Janice de Belen ang suporta niya sa love life ng kaniyang mga anak, kabilang na si Kaila Estrada, na iniuugnay ngayon sa aktor na si Daniel Padilla.
Sa guest appearance niya kay Boy Abunda noong Biyernes, sinabi ni Janice na ang pinakamahalaga para sa kaniya bilang ina ay ang kaligayahan ng kaniyang anak.
“I am just happy that Kaila is happy. ‘Yun lang. Para sa isang parent, ang gusto mo lang ay maging masaya sila,” ani Janice.
Dagdag pa niya, wala umano siyang karapatang manghimasok kung masaya ang kaniyang anak sa isang relasyon.
“When you see that your child is happy, anong karapatan mong makialam at gumitna doon sa happy? Basta happy ka, ‘yun lang ang gusto ko,” saad ng aktres.
Ibinahagi rin ni Janice na hindi niya nais maging istrikto o kontrolado ang mga desisyon ng kaniyang mga anak dahil naranasan din umano niyang maging rebelde noong kaniyang kabataan.
“I always asked my parents to trust me. So nagri-ring ‘yun sa ulo ko every time naiinis ako or parang, ‘Tama ba to?’” paliwanag niya.
Gayunpaman, sinabi niyang mahalaga ang tiwala sa kakayahan ng kaniyang mga anak na panindigan ang kanilang mga desisyon.
“I have to trust my children na kaya nila, kaya nila paninindigan,” dagdag niya.
Matatandaang naging usap-usapan ang umano’y relasyon nina Kaila at Daniel matapos silang mamataang magkasama sa ilang pagkakataon mula pa noong nakaraang taon.
Kamakailan lamang ay nagbahagi si Kaila ng mga larawan mula sa birthday celebration ni Daniel, kabilang ang isang malabong larawan nilang dalawa kung saan makikitang magkalapit ang dalawa habang nakahawak ang aktor sa likod ng aktres.
Bago maiugnay kay Kaila, naging matagal na karelasyon ni Daniel si Kathryn Bernardo. Kinumpirma ng dating magkasintahan ang kanilang hiwalayan noong Nobyembre 2023 matapos ang 11 taon nilang relasyon.
















