-- Advertisements --

Matapos mamataan na magkahawak-kamay sa isang fun run, itinanggi ng aktor na si Jameson Blake ang mga usap-usapang may relasyon sila ng aktres na si Barbie Forteza.

Sa episode ng vlog ni Ogie Diaz noong Hulyo 4, ibinahagi nito ang mensahe ni Blake kung saan nilinaw ng aktor na wala silang relasyon ni Forteza.

“Honestly, we are not together… Ang daming taong nagpapapicture sa kanya, kaya kami nahuling magkahawak ng kamay,” saad ni Blake.

Ayon pa kay Blake, inaalalayan lang niya si Forteza palabas ng event dahil sa dami ng tao.

“Crowd control ako that time. Inaalalayan ko lang si Barbie,” dagdag pa niya.

Nag-ugat ang espekulasyon matapos silang makita na magkasama sa isang fun run sa Pampanga noong Hunyo, at naunang nagkasama rin sa “Takbo para sa Pelikulang Pilipino” noong Mayo.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Forteza tungkol sa isyu.

Ang dalawa ay magtatambal sa paparating na film na “Kontrabida Academy” kasama si Eugene Domingo. Wala pang anunsyo hinggil sa petsa ng pagpapalabas at detalye ng kwento.

Samantala, naging usap-usapan din si Forteza matapos makita kasama ang ex-boyfriend na si Jak Roberto sa isang event noong Hunyo.

Nilinaw ng aktres na ayaw na niyang pag-usapan ang kanilang paghihiwalay bilang respeto sa kanilang nakaraan.