-- Advertisements --

Hindi naiwasang magbiro ni Jake Ejercito tungkol sa viral na CCTV footage na nagpapakita kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na tumatakbo sa loob ng Senado habang hinahabol ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa kanyang social media post, pabirong sinabi ni Ejercito: “Strava reveal naman diyan, sen.”

Ang Strava ay isang fitness tracking app na karaniwang ginagamit sa pagre-record ng running, cycling, at iba pang physical activities.

Naging viral ang naturang video kung saan makikitang mabilis na tumatakbo si Dela Rosa sa loob ng gusali ng Senado. Nangyari ito kasabay ng kanyang pagbabalik sa trabaho matapos ang mahigit anim na buwang absent.

Kung maaalala din isinilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y papel niya sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa mga ulat, maaari rin umanong dalhin si Dela Rosa sa The Hague, Netherlands, kung saan nakabase ang ICC, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa anti-drug campaign.

Sa kanyang pagbabalik sa Senado, sinabi ni Dela Rosa sa plenaryo na may mga tauhan umano ng NBI na humarang sa kanya sa pagpasok sa session hall upang isilbi ang warrant.

Ayon pa sa kanya, nasugatan umano ang kanyang mga daliri matapos siyang habulin ng mga awtoridad.

Samantala, umani rin ng iba’t ibang reaksyon online ang insidente. May ilan na tinawanan ang viral footage, habang ang iba ay nagbigay ng matinding diskusyon sa umiinit na isyung politikal.

Si Ejercito ay bahagi ng kilalang Estrada-Ejercito political clan at kapatid sa ama nina Senators Jinggoy Estrada at JV Ejercito, kaya’t may mga netizen na nanawagan din sa kanya na magpahayag sa mga isyung kinasasangkutan ng kanyang mga kapatid.