-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sa ikalawang pagkakataon, hindi na nakaligtas ang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos tambangan sa Purok Katipunan, Barangay Cabug, Bacolod City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Jun Pastrana, commander ng Police Station 9, ang biktimang si Jail Officer 1 Jayvee Jayson Vargas ay nagmamaneho ng pick-up at sumundo sa kanyang ama sa sabungan sa Barangay Pahanocoy kagabi at kasama nito ang kanyang mga pinsan.

Nang pauwi na sa Barangay Handumanan, inambush ito ng mga suspek na sakay sa tatlong motorsiklo at sinasabing may sakay pa sa Toyota Innova.

Pinasundan pa ng mga suspek ng putok ang pick-up hanggang bumangga ito sa kusina ng bahay malapit sa crime scene.

Dahil sa tama sa ulo at ilang bahagi ng katawan, kaagad na binawian ng buhay si Vargas.

Sugatan naman ang pinsan nito na si Gian Philip Yoro na nakaupo sa front seat habang ligtas ang kanyang ama na si retired Senior Jail Officer 2 Joeby Vargas at dalawa nitong pinsan.

Narekober sa crime scene ang mga empty shells ng .45 caliber pistol, M16 at M14 rifle.

Ayon kay Pastrana, patuloy pa ang imbestigasyon sa krimen at hindi isinasantabi ang posibilidad na ang jail officer mismo ang target.

Si Vargas ay assigned ngayon sa regional office ng BJMP Region 6.

Ito na ang pangalawang pag-ambush sa jail officer dahil noong Abril 5, 2019, tinambangan din ito habang papalabas sa BREDCO Port ngunit sa kamay lang ang kanyang tama.

Noong Abril, assigned ang biktima sa Metro Bacolod District Jail Annex sa Handumanan ngunit ini-assign sa regional office kasabay ng reshuffling ilang buwan na ang nakalipas.