-- Advertisements --

Kinumpirma ng vlogger at social media personality na si Jack Argota na natanggap niya na ang subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng pekeng medical record ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay kasunod ng pahayag ni NBI Acting Director Lito Magno na maaari umanong padalhan ng subpoena si Argota dahil sa nasabing isyu.

Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 5, ipinahiwatig ni Argota na natanggap na niya ang subpoena na isinilba raw ng mga tauhan ng NBI sa kanilang bahay at tila inaabangan pa umano niya ang pagdating nito.

“May SUBPOENA nako! Sa wakas dumating din haha!” ani Argota sa kanyang post.

Nagpasalamat pa ang vlogger sa NBI sa paghahatid ng subpoena sa kanilang bahay.

“Salamat National Bureau of Investigation sa paghatid dito sa bahay, may maikling kwentuhan at tawanan haha! See you mga Boss!” dagdag niya.

Sa hiwalay na Facebook post sa parehong araw, iginiit ni Argota na karapatan niyang malaman kung sino ang naghain ng reklamo na naging batayan ng subpoena.

“Nagbigay nga ng Subpoena pero walang nakalagay kung sino nag-file? Karapatan ko naman siguro malaman yun kasi aabalahin nila ako,” aniya, sabay sabing haharapin niya ang isyu “in good faith.”

Matatandaang nanindigan kamakailan ang Malacañang na kailangang imbestigahan ang pagkalat ng maling impormasyon kaugnay sa umano’y medical report ng Pangulo.

“Hindi po biro ang kalusugan ng Pangulo. Kaya po ang NBI ay mabilis na kumikilos upang maimbestigahan kung sino ang nasa likod nito,” pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa isang press briefing noong Enero 29.