Naniniwala si Iza Calzado na malalampasan ang pagkakaroon ng pneumonia habang naka-confine pa rin sa isang ospital.
Pahayag ito ng 37-year-old actress kasunod ng pag-amin na sumailalim siya sa pagsusuri sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at ilang araw nang hinihintay ang resulta.
Ayon kay Iza o Maria Izadora sa tunay na buhay, pagsubok lamang ito sa kanya pero ‘di hamak na mas nahihirapan ang mga frontliners na obligadong alagaan lalo ang mga malulubha ang karamdaman.
Noong nakaraang taon nang ipahayag ng aktres na plano na nila ng asawa at negosyanteng si Ben Wintle na magkaanak sa oras na matapos na ang ilan sa kanyang mga commitments at projects sa showbiz.
Napagkasunduan aniya nila na magkaroon ng tatlong supling sa pamamagitan ng panganganak sa natural na paraan, assisted reproductive technology o pag-aampon.
Nagpapasalamat ito sa pagiging supportive ng kanyang mister na bukas din na magkaroon ng foster children.