-- Advertisements --

Hinimok ng main author ng Visiting Forces Agreement (VFA) na si dating Sen. Rodolfo Biazon ang mga mambabatas na ituloy ang review sa treaty kahit ito ay kinansela na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Biazon na normal lamang na makitaan ng ilang kakulangan ang isang kasunduan na matagal nang umiiral.

Pero ang mainam umanong gawin ay gamitin ang nalalabing araw ng VFA para masuri ito at mai-adjust kung kinakailangan.

Mahalaga rin umanong malaman ang constitutionality ng pagkansela ni Pangulong Duterte sa deal, kahit walang pagsang-ayon ng Senado.

Si Biazon ay dati ring pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bago naging mambabatas.

Samantala, sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na maituturing na “national tragedy” at mapanganib ang naging pagkansela sa kasunduan sa Estados Unidos.

Si Del Rosario ang kalihim ng DFA na nakipaglaban para sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kontra sa “nine dash line” ng China.

Pero ang Duterte administration ay naninindigang napapanahon na para ibasura ang deal, dahil naging dehado ang ating bansa sa bagay na ito at hindi nakatulong ang US forces para mapigilan ang China na magtayo ng mga istraktura sa naturang bahagi ng karagatan.