-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasampahan na ng kasong obstruction of justice at illegal possession of explosives ang itinuro ng pulisya na umano’y kasabwat sa nangyaring improvised explosive device explosion (IED) sa Mohammad Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University,Marawi City,Lanao del Sur.

Ito ang paglalahad ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director Brig Gen Allan Nobleza patungkol sa patuloy nila pagsisikap mabigyang hustisya ang pagkasawi ng apat na katao at 72 iba na sugatan sa IED explosion sa kasagsagan ng banal na misa sa MSU gym.

Sinabi ni Nobleza na maliban sa ginawa na paghain ng mga kasong kriminal laban kay Jaffar Gamo Sultan alyas Kurot,nahuli rin ng Special Investigation Task Group Dimaporo Gymnasium Explosion ang dalawa pang personalidad na mayroong pending na murder cases sa Marawi City.

Paliwanag ng heneral na batay sa imbestigasyon,ang mga ito ang kumanlong sa dalawang persons of interest na sina Cadafi Mimbesa alyas Engineer at Arsani Mimbesa alyas Lapitos.

Magugunitang batay sa pulisya’t militar,kapwa kaanib ng Dawhlah Islamiyah-Maute terror group sina Cadafi at Arsani na kuha ng CCTV camera na pumasok-labas sa gym bago sumabog ang bomba noong Linggo ng umaga,Disyembre 3.