Italya, nagpatayo ng pinakaunang wind farm na nasa gitna ng dagat;anim na iba pang wind farms, itatayo na rin upang hindi na umangkat ng gas mula Russia
ILOILO CITY- Malapit nang makompleto ng Italya ang pinakaunang wind farm na nasa gitna ng dagat.
Ang Beleolico wind turbine park ang itinayo sa peurto ng Taranto,isang lungsod sa timog na bahagi ng Italya.
Ayon kay Bombo International Correspondent Steven Mark Espinosa, kapag natapos na,ang planta ay may kakayahang mag-produce ng mahigit sa 58,000 MWh, na katumbas ng annual energy needs ng nasa 60,000 ka tao.
Sinabi ni Espinosa na maliban sa nasabing Beleolico wind turbine park, anim na iba pang wind farms ang itatayo mula sa Sardinia papunta sa Basilicata.
Napag-alaman na ang nasabing hakbang ng gobyerno ng Italya ay may layunin na hindi na ito umangkat ng Russian gas bilang source ng enerhiya.
Umaangkat ang Italya ng 95 percent ng gas na ginagamit nito kung saan 45 percent ang nagmumula sa Russia.
Nangako ang Italian government na ititigil na ang paggamit ng Russian gas pagdating ng 2025 bunsod na rin ng pag-atake nito sa Ukraine.