-- Advertisements --
Palay rice farm farmers harvest
Photo courtesy from Department of Agriculture

Inamin ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban na kabilang pa rin sa pangunahing isyu sa kanilang ahensya ang korapsyon at iba pang maling sistema.

Ito aniya ang pinatututukan sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayong kalihim ng ahensya.

Sinabi ni Panganiban na nasa proseso na sila ng pagtugis sa mga posibleng sangkot sa katiwalian, pero kailangan pa ng malalim na pag-iimbestiga hinggil dito.

Wika pa ng opisyal, pangunahin talagang inaasikaso nila ang food security, ngunit mahalagang mabantayan ang ahensya laban sa mga tiwali, kaya nagiging mabigat ang hamon para sa kanilang mga opisyal.

Una na rin kinumpirma ni Panganiban na sa katapusan pa ng taon malalaman ang tunay na estado ng suplay ng asukal sa bansa, kaya doble kayod sila para mapalaki pa ang sugar production.

Si Panganiban ang nagsisilbing pansamantalang kinatawan ni Pangulong Marcos sa ahensya, habang abala ang presidente sa ibang mga trabaho.