Itinuturong dahilan ng kakulangan ng organ donors sa bansa ang istrikto at mahabang proseso ng donation process.
Ayon sa Department of Health, sa rin umano sa mga dahilan ng shortage ang hindi pagma-match ng donors at ng taong pagbibigyan nito.
May mga pagkakataon din umano na nag-aatubili o natatakot ang mga kamag-anak ng donor kaya hindi natutuloy ang pag-donate nito.
Pangatlo sa mga inuulat na dahilan ng DOH ay ang mga kamag-anak ng pasyente na nasa ibang bansa na kahit nagma-match ay hindi pa rin makapag-donate dahil sa dami ng papeles na dapat kumpletuhin bago mapayagang makapag-donate.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, naghihigpit ang DOH sa proseso ng donasyon dahil sa mga kaso ng organ trafficking gayundin ang insidente ng organ harvesting and sales.
Iniiwasan din daw ng ahensiya na magkaroon ng palitan ng pera sa pagitan ng non-related donors at ng pasyente.
Bawal daw kasi tumanggap ng pera ang organ donor mula sa pamilya ng pasyente kaya ang ginagawa umano ng mga ito ay tinuturuan ang non-related donor kung paano sumagot sa imbestigasyon ng lupon para hindi ito magsuspetsa.
Sa kabila nito, patuloy umanong nakikipagtulungan ang DOH sa National Kidney and Transplant Institute at sa iba pang organisasyon para sa kampanya at awareness ng kahalagahan ng organ donation.
Binigyang-diin ng ahensiya na may suporta at tulong silang ipinaaabot sa mga organ donor gaya ng educational packages at employment opportunities.