Pinayuhan ng mga dalubhasa ng Israel ang mga opisyal ng Task Force COVID-19 ng Pilipinas na magtaguyod ng centralized vaccine storage hubs na magsisilbi sa parehong mga lungsod o bayan at malayong lugar.
Binigyang diin din ng grupo ang pangangailangan na bumuo ng maliit na packaging para sa mga bakuna dahil nabanggit na ang mga bakuna ay mas ligtas at hindi gaanong naaalog sa mas maliit na packaging kagaya ng kanilang ginamit.
Ayon kay Adam Segal, ang logistics at operations manager ng Salomon Levid & Elstein Ltd., ang paggamit ng mas maliit na packaging para sa mga bakuna ay napatunayang epektibo ng Israeli Ministry of Health.
Idinagdag pa rito na ang mga sentralisadong hub para sa pag-iimbak ng bakuna ay gagana sa mga metropolitan areas at ito ang pinaka-epektibong diskarte sa mga malalayong lugar.
Samantala, hiniling naman ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa team ng Israel na magbigay ng mga sample ng kanilang mga vial upang mas madali para sa Pilipinas na kopyahin ang mga ito.
Binigyang diin din ng mga health experts ang kahalagahan ng mabisang pamamahala ng datos ng COVID-19, na kung saan ito ang ibinabato ng mga kritiko laban sa mga opisyal ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ng mga ito kung paano nila binuo at pinamamahalaan ang kanilang sistema ng data ng pagbabakuna.
Sinabi ni Dafna Segol, ang gobyerno ng Israel ay gumagamit ng diskarte na batay sa data kapag gumagawa ng mga desisyon na nauugnay sa kanilang programa sa pagbabakuna.