Magbibigay ng tulong ang Israeli government at pangmatagalang suporta sa pamilya ng apat na Pilipinong napatay sa pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa Israel.
Una nang personal na bumisita ang mga opisyal mula sa Israel sa naiwang pamilya ng nasawing OFW na si Loreta Alacre.
Ang nasabing impormasyon ay mismong natanggap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) mula sa Israel Embassy.
Ayon sa mga awtoridad, tinatrato sila tulad ng mga mamamayan ng Israel, kaya ang kanilang mga benepisyo ay kapareho ng sa isang mamamayang Israeli.
Ang apat na Pinoy na nasawi ay sina Grace Prodigo Cabrera, Loreta Alacre, Angeline Aguirre, at Paul Vincent Castelvi.
Bukod sa tulong sa mga gastusin sa pagpapalibing at pagluluksa, tatanggap din ng buwanang suporta at taunang cash benefits ang pamilya ng apat na Pilipino.
Sinabi rin ng Israeli Embassy na magbibigay ito ng tulong hindi lamang sa mga pamilya ng mga Pilipinong napatay sa karahasan kundi maging sa mga nasugatan.
Kinumpirma ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na magbibigay ng tulong ang Israel sa mga dayuhang biktima ng patuloy na karahasan, kabilang ang mga Pilipino.