Itinanggi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na minaliit o ininsulto niya si Hesus matapos ang batikos sa kanyang pahayag na naghahambing kay Hesus kay Genghis Khan.
Tinawag niyang “fake news” ang mga akusasyon at sinabing inihalimbawa lamang niya ang ideya ng historyador at masugid na tagahanga ni Hesus na si Will Durant tungkol sa kahalagahan ng lakas militar at moralidad.
Kung saan ang “morally superior civilization” ay maaaring matalo ng malupit na kaaway kung walang lakas.
Ginawa ni Netanyahu ang paglilinaw matapos umani ng batikos ang kaniyang naging talumpati, kung saan sinabi niyang sa unang panahon walang bentahe si Hesus kay Genghis Khan, upang bigyang-diin na ang moralidad ay hindi sapat kung walang kakayahang ipagtanggol ang sarili.
Marami ang nagpahayag din ng galit sa paghahambing na ito, kung saan tinawag ito ng ilang lider ng simbahan na mapanirang-puri.
















