Pinaplano ng Israel military na palawakin pa ang pag-atake nito sa Rafah sa bahaging timog ng Gaza Strip.
Ito ang lugar na pinaglilikasan ng mga apektadong mamamayan ng Gaza dahil sa giyera roon. Kaya nangangamba ang mga biktima maging ang ilang international aid organizations na mawawalan na sila ng itinuturing nilang safe zone kapag itinuloy ng Israel ang pag-atake roon.
Ayon sa ulat, aabot ng 1.9 milyong katao na ang lumikas sa Rafah. Ang iba ay nananatili sa residential building at ang iba naman ay natutulog lang sa daan at may kakulangan sa basic goods tulad ng malinis na tubig, pagkain, at damit.
Dahil dito naalarma ang United Nations at international human rights organizations na maaari itong mag-resulta ng mas mataas na bilang ng masasawi.
Binigyang-diin ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs ang kanilang pag-aalala sa tumataas na tensyon sa Khan Younis City sa Gaza na nagresulta para lumikas ang mga tao sa Rafah. Kaya kung magpapatuloy umano ang plano ng Israel ay mas maraming tao pa ang mabibiktima ng giyera.