Ibinida ng Israel na napatay nila si Raed Saad, isang mataas na commander ng Hamas, sa isang targeted strike sa Gaza City noong Sabado.
Nabatid na si Saad, ang namumuno sa paggawa ng armas ng Qassam Brigades, ang militar na hawak ng Hamas, ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang lider ng grupo at may malaking papel sa mga pag-atake sa Israel noong Oktubre 7.
Ayon sa Hamas-run Civil Defence, apat na tao ang napatay sa strike, at maraming iba pang mga tao ang nasugatan. Kinumpirma rin ng isang lokal na opisyal ng Hamas na kabilang sa mga napatay si Saad at ang kanyang kasamahan na si Abu Imad al-Laban.
Sinabi din ng IDF at Shin Bet na si Saad ay responsable sa pagkamatay ng maraming sundalo sa Gaza dulot ng mga pagbobomba. Matagal na siyang target ng Israel at ilang beses na umanong tinangkang patayin, kabilang ang isang operasyon sa Gaza City noong Marso 2024 kung saan nakatakas si Saad.
Napagalaman naman na naganap ang strike sa bahagi ng Gaza na kontrolado ng mga Palestino, sa tinatawag na Yellow Line, na naghahati sa Gaza matapos ang ceasefire kung saan ang Israel ay may kontrol sa silangang bahagi ng Gaza.
Ang pagkamatay ni Saad ay naganap kasabay ng patuloy na mga pagsisikap sa diplomasya sa ilalim ng US-backed peace plan ni U.S. President Donald Trump. Bahagi ng plano ang pagbabalik ng mga hostages na kinidnap ng Hamas noong Oktubre 7, at ngayon ay nakatuon ang mga negosasyon sa disarmament ng Hamas at muling pag-develop ng Gaza.










