Naglunsad ng airstrike ang Israel sa bahagi ng timog ng Syria matapos ang ulat na dalawang projectile missiles ang pinaputok ng Syria patungong Israel, na hindi naman nagdulot ng pinsala.
Inakusahan ng Israel si Syrian interim President Ahmed al-Sharaa na umano’y responsable sa mga pag-atake. Ngunit sabi ng Syria ang mga airstrike ay isang paglabag sa kanilang soberanya at layuning pabagsakin ang naturang bansa.
Matatandaan na simula nang bumagsak ang rehimen ni Bashar al-Assad noong Disyembre 2024, pinalakas ng Israel ang mga opensiba nito laban sa Syria.
Hindi pa malinaw kung sino ang nasa likod ng pagpapaputok ng naturang missiles at tumanggi naman ang Syria na kumpirmahin kung nanggaling nga ito sa kanilang teritoryo.
Kasabay nito, pinuna rin ng United Nations ang mga pag-atake ng Israel, habang inihayag ng Estados Unidos ang pagbawi ng mga parusang ipinataw sa Syria mula pa noong civil war, na kumitil ng mahigit 600,000 katao.