-- Advertisements --

Pumayag ang Israel at Hezbollah na muling buhayin ang ceasefire o tigil-putukan sa gitna ng mga paglabag sa naunang kasunduan.

Ang bagong kasunduang ay naisakatuparan sa pagpamagitan ng US at may mahigpit na mga kondisyon para sa magkabilang panig.

Ang mga pangunahing kondisyon ng kasunduan ay ang pag-atras ng Hezbollah sa hilaga ng Litani River, na humigit-kumulang 30 kilometro ang layo mula sa border ng Israel.

Kabilang din sa kondisyon ang unti-unting pag-atras ng mga tropa ng Israel mula sa southern Lebanon patungo sa parte ng kanilang border.

Tanging ang Lebanese Armed Forces at mga tropa ng United Nations peacekeeping lamang ang papayagang mag-istasyon sa “buffer zone” sa timog ng Litani River.

Nanindigan naman ang Israel sa karapatang kumilos o gumanti laban sa Hezbollah kung sakaling may mga nakaplanong pag-atake o paglabag sa tigil-putukan.

Dahil sa kasunduang ito, libu-libong lumikas na residente ang nakabalik na sa kani-kanilang tahanan sa southern Lebanon.

Gayunpaman, ang sitwasyon ay nananatiling fragile o marupok dahil nagkaroon pa rin ng mga ulat ng palitan ng putok at pag-atake ng drone sa pagitan ng dalawang kampo matapos ipatupad ang tigil-putukan.