-- Advertisements --

Epektibo na ang ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Lebanon ngayong Abril 17.

Inaasahang magpapatigil ito sa anim na linggong labanan sa pagitan ng Israel at Lebanese armed group na Hezbollah.

Sa kabila naman ng pagiging epektibo ng ceasefire kaninang madaling araw, local time, patuloy na nagpakawala ng rocket ang Hezbollah sa northern Israel habang napaulat namang nagpatuloy ang mga pag-atake ng Israel makalipas ang kalahating oras nang maging epektibo ang ceasefire.

Iginiit naman ng Israel na mananatili ang kanilang mga tropa sa mga lugar na kanilang inokupa sa southern Lebanon.

May mga Lebanese na rin ang nagsimulang magsibalikan sa southern Lebanon na naging sentro ng mga pag-atake ng Israel, at pinaniniwalaang kuta at maraming presensiya ng Hezbollah.

Samantala, ilang mamamayan naman sa iba’t ibang dako ng Lebanon ang nagbunyi sa mga kalsada matapos maging epektibo na ang ceasefire.

Malugod namang tinanggap ng Iran ang 10-araw na ceasefire subalit nanawagan para sa ganap na pag-atras ng mga tropa ng Israel mula sa Lebanon.

Positibo naman si US President Donald Trump na magkakaroon na ng kasunduan para mawaksan na rin ang digmaan sa Iran kasunod ng ceaserfire agreement ng Israel at Lebanon. Ito ay sa gitna na rin ng inaasahang pagpapatuloy ng mga negosasyon ngayong weekend.