-- Advertisements --

Bumagsak ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado matapos ianunsyo ng Iran na “completely open” na ang Strait of Hormuz sa mga commercials ships na dumadaan doon.

Ayon sa ulat, bumaba sa humigit-kumulang $88 kada bariles ang Brent crude mula sa mahigit $98 nitong Sabado (araw sa Pilipinas).
Ang Strait of Hormuz ay isang mahalagang ruta na nagdadala ng halos 20% ng pandaigdigang langis at liquefied natural gas.

Sinabi ng Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na maaaring makadaan ang lahat ng commercial vessels habang umiiral ang ceasefire sa rehiyon.

Dahil dito, tumaas din ang mga stock market sa U.S. at Europa kung saan umangat ang S&P 500, Nasdaq, at Dow Jones ng hanggang higit 1%, habang ang mga merkado sa Europa tulad ng DAX sa Germany at CAC sa France ay tumaas ng higit 2%.

Matatandaang nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Israel, kung saan umabot pa ito sa mahigit $100 kada bariles at minsang lumagpas pa sa $119.

Sa kabila ng pagbubukas ng ruta, nananatiling maingat ang ilang shipping companies at sinabing maghihintay muna sila bago dumaan sa naturang lugar dahil sa isyu ng seguridad.

Samantala, ilang analyst ang nagsabing maaaring manatiling pabago-bago ang presyo ng langis habang hindi pa ganap na stable ang sitwasyon sa rehiyon.