-- Advertisements --
cropped CAAP logo

Inanunsyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines na mas pinaikli pa nito ang oras ng isasagawang air traffic management system maintenance nito sa Mayo 17, 2023.

Sa isang pahayag ay sinabi ng CAAP na mula sa dating anim na oras ay tatagal na lamang ngayon ng hanggang dalawang oras ang isasagawang corrective maintenance activity sa kanilang Air Traffic Management Center.

Batay sa mabusising process reviews at simulations na isinagawa ng mga otoridad ay inaasahang mas mapapaikli pa ang ikokonsumong oras ng nasabing maintenance activity na uumpisahan mula alas-dos ng madaling araw hanggang alas-kwatro ng madaling araw sa halip na alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-sais ng umaga.

Kaugnay nito ay kinansela na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang kanilang una nang inilabas na Notice to Airmen, atsaka ito naglabas ng panibagong notice o NOTAM B1553/23.

Samantala, bukod dito ay magpapatupad din kagawaran ng mga contingency procedures sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa Fight Information Regions para makatulong na mabawasan ang magiging epekto ng nasabing air traffic operations.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang CAAP ukol dito kasabay ng pagtitiyak na gagawin nito ang lahat upang siguraduhn ang kaligtasan at kahusayan ng air travel sa kasagsagan ng nasabing operasyon.

Matatandaang una nang inanunsyo ng mga aviation authorities na pansamantala muna nitong isasara ang airspace ng bansa sa Mayo 17 para magbigay daan sa isasagawang maintenance acitivities ng air traffic management system ng Pilipinas upang maiwasan nang maulit pa ang naging aberya sa Ninoy Aquino International Airport noong Bagong Taon.