Matagumpay na nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard District Southeastern Mindanao ang dalawang United States citizens na lulan ng isang na-stranded sa yate sa bahagi ng katubigang sakop ng Davao Oriental.
Tinukoy ng mga otoridad ang naturang yate na Pleasure YACHT APKALLU na napag-alamang nagmula pa sa bansang Indonesia at patungo sana sa Davao City para sa customs and immigration clearances.
Sa ulat, agad na rumesponde ang patrol boat ng PCG na BRP Panglao matapos na makatanggap ng report na hinggil sa pagkakaroon ng engine failure ang naturang yate habang naglalayag sa layong 8.8 nautical miles west southwest ng bayan ng Surup sa munisipalidad ng Governor Generoso, Davao Oriental.
Dahil dito ay agad na nagdeploy ng mga tauhan at rescue vessel ang PCG para magsagawa ng towing at search and rescue operations para rito.
Ayon kay CG Capt. George Maganto, sa kasagsagan ng kanilang operasyon ay bahagyang nakaranas din ang kanilang mga tauhan ng ilang challenge sa sea conditions bago marating ang naturang lugar ngunit gayunpaman ay naging matagumpay pa rin ang kanilang misyon.
Samantala, sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na ang mga indibidwal na sakay ng nasabing yate.