
Hinikayat din ng isang Senador ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang umano’y miyembro ng mafia na sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at iba pang krimen na nagawa sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ginawa ni Senator Risa Hontiveros ang naturang panawagan matapos puriin ang arrest order kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta para sa pagkamatay ng Bilibid inmate na si Cristito Palana Villamor na umano’y middleman sa assassination kay Lapid.
Ayon pa sa mambabatas ang development na ito sa kaso ay isang mahalagang hakbang na malapit ng makamit ang hustisya sa pagpatay sa mamamahayag.
Hinikayat din ng Senadora si General Bantag bilang isang dating law enforcer na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Sualit hindi dapat aniya na magtapos dito, dapat na ipagpatuloy ng DOJ at NBI ang pagpapalawig ng imbestigasyon at siyasatin ang “Ocho Boys” at iba pang umano’y miyembro ng mafia na sangkot sa pagpatay kay lapid at ob apang krimen sa loob ng Bilibid.
Matatandaan na nabanggit ang ocho boys ng isang anonymous caller na nagtangka umanong mangikil ng pera mula sa pamilya Lapid kapalit ng impormasyon sa pagkakasangkot umano ni Bantag sa pagpatay kay Percy Lapid.
Si Lapid ang ikalawang mamamahayag na napatay sa bansa sa ilalim ng Marcos administration.
Nagresulta din ang imbestigasyon sa pagpatay kay Lapid sa pagkakabulgar ng ilang mga kontrobersiya sa penitentiary system ng bansa kabilang ang umano’y pagkakasangkot ng mga opisyal ng Bureau of Corrections at mga preso sa krimen sa labas ng piitan.










