BOMBO DAGUPAN – “Akala ko katapusan ko na”
Ganito isinalarawan ni Camille Jesalva, Bombo International News Correspondent sa bansang Israel, nang makaharap nito ang isang Hamas militant na pumasok sa kanilang tirahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, 6:30 ng umaga nang mag umpisa ang halos 35 minutong walang pagtigil na pagbagsak ng mga rocket sakanilang lugar sa Nirim. At sa oras na iyon ay dali dali na sila pumasok ng alaga niya sa kanilang bomb shelter.
Aniya, tulad ng dati, umaatake ang mga militante sa kasagsagan ng okasyon sapagkat ipinagdidiwang nila ang 77th kaarawan ng kanilang komunidad.
Alas-7 nang tuluyan na silang pinasok ng Hamas kung saan nagsimula aniya sila sa pagsusunod ng mga parking lots.
10:43 ng umaga naman nang pinasok na sila sa kanilang bahay. Saad ni Jesalva, apat na beses dinaanan at pinasok ang kanilang bahay. Sa unang pagpasok ay binagsakan umano ng bato ang kanilang main door.
12:30 ng hapon nang pasukin sila sa ika-apat na pagkakataon kung saan nabuksan na ang kanilang shelter sapagkat sira umano ang lock nito.
Sa pagbukas ay agad hinanap ng militante ang mga pera at telepono na siyang inabot naman ni Jesalva.
Nang makita ito ng kaniyang alaga ay pilit nitong pinapaalis ang militante. Sa takot ni Jesalva, nagmakaawa aniya siya sa militante na hayaan ang kaniyang alaga at bigyan ng pasensya.
Matapos ang kanilang komprontasyon ay laking pasasalamat niya na hinayaan lamang sila ng militante at hindi sila sinaktan.
Samantala, naging emosyonal naman si Jesalva na ibinahagi nito na ipinagliban nito ang kaniyang flight pagbalik sa Pilipinas noong Oktubre 19 dahil sa labis nitong pagmamahal sa kaniyang alaga at wala itong balak iwan lalo na sa kasalukuyang sitwasyon sa Israel.










