-- Advertisements --
Gas Pumps

Muling itinanggi ng kompaniya ng langis na Flex Fuel Petroleum Corp. ang pagkakasangkot nito sa umano’y investment scams at inihayag na handang makipagtulungan sa mga awtoridad.

Ito ay matapos na manindigan ang mga opisyal mula sa naturang kompaniya at ng kanilang legal counsel na mayroon silang hawak na kaukulang mga dokumento para patunayan na hindi sila sangkot sa investment scams.

Nauna ng inihayag ng legal counsel ng actor-host na si Luis Manzano, dating chairperson ng kompaniya na kanilang haharapin ang mga awtoridad sa mga susunod na pagkakataon.

Sa panig naman ng mga investor ng kompaniya, kanilang kinuwestiyon kung bakit iginigiit ng mga respondents ang settelemnt kung hindi naman sila sangkot sa investment scam.

Una rito, nasa 30 sa mga investor ang naghain ng large-scale estafa complaint laban sa kompaniya na pinangalanan ang actor-host na si Manzano, company president Ildefonso Medal at consultant Roy Randa bilang respondents.

Ayon sa isa sa mga investor, nag-loan ito para mag-invest sa kompaniya ng langis subalit hindi naitayo ang anumang gasoline station matapos ang anim na buwan.

Una na ring inisyuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena si Manzano dahil sa pagkakasangkot umano nito sa investment scam.