-- Advertisements --

Suportado ng isang digital network group ang plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagsasabatas ng Internet Transaction Act o E-Commerce Law.

Ito ay matapos na ipahayag ng pangulo sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) ang kaniyang 19 na priority bill na kinabibilangan ng dalawang bill na nabanggit na naglalayong i-regulate ang online commercial activities para sa proteksyon ng karapatan, data privacy, at intellectual property rights ng mga mamimili.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay iginiit ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo ang kanilang paninindigan na dapat maprotektahan ang karapatan ng mga consumers.

Ngunit sinabi niya na hindi dapat ito maging dagdag pasanin o bayarin sa ating mga kababayan.

Aniya, hangga’t nananatiling layunin ng batas na ito ay ang maprotektahan ang mga consumer at ang impormasyon ng mga taong gumagamit ng digital services ay mananatili rin ang kanilang pagsuporta dito.