Hinarang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Boracay Island gateway Godofredo P. Ramos Airport sa Malay, Aklan ang isang lalaking Chinese national na nagtangkang lumipad patungong Taiwan gamit ang Philippine passport.
Sa isang pahayag, inihayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na si Zhou Jintao, 24 na taong gulang, ay nagharap sa mga opisyal ng kawanihan gamit ang isang pasaporte sa ilalim ng pangalang Janssen Gonzales Tan.
Bukod sa kanyang pasaporte, ipinakita niya ang isang Philippine person with disability, postal at tax identification number o TIN identification cards, National Bureau of Investigation clearance, at birth certificate na nagsasaad na siya ay ipinanganak sa Santa Cruz, Davao Del Sur sa isang Pinay na ina at isang Intsik na ama.
Gayunpaman, sa inspection, napansin ng opisyal na hindi marunong magsalita ng Filipino o anumang lokal na wika si Zhou.
Sa panayam, inamin naman niya na isa siyang Chinese citizen.
Una na rito, ayon sa kanyang travel record sa Bureau of Immigration database, lumabas na si Zhou ay pumasok sa Pilipinas noong Hunyo 30, 2019.