-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Plano ng kapitan ng Barangay Beckel sa bayan ng La Trinidad, Benguet na isailalim ang kanilang lugar sa state of calamity.

Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Punong Barangay Gregorio Antonio, sinabi niyang ito ay dahil umano sa malaking epekto ng African Swine Fever (ASF) sa kabuhayan sa kanilang barangay.

Ipinaliwanag niyang sa pamamagitan ng deklarasyon ng state of calamity ay mapapabilis ang pagbigay ng tulong sa mga apektadong nag-aalaga ng baboy.

Inilahad ng kapitan na sa ngayon ay nagpapatuloy ang paggamit ng mga residente ng disinfectant sa mga kulungan ng baboy para hindi kumalat ang virus.

Ayon pa kay Antonio, aabot sa 33 ang mga hog raisers sa Beckel at mahigit 260 na baboy ang isinailalim sa culling dahil sa ASF.

Dahil dito, umaapela ang opisyal sa mga residente para sa kanilang pakikiisa sa kampanya laban sa ASF.