CAUAYAN CITY – Ilang parte na lamang ng isang alagang baka ang naiwan nang matagpuan matapos na katayin ng mga kawatan sa Purok 7, Balintocatoc, Santiago City.
Ang may-ari ng baka ay si Emerson Villasfler, 28-anyos, binata at residente ng Purok 3, Balintocatoc, Santiago City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, ang nakatay na baka ay natagpuan ni Johnny Ortega, magsasaka at residente ng Baluarte, Santiago City malapit sa kanyang palayan na halos tatlong daang metro ang layo mula sa pinagpastulan ng may-ari.
Ayon kay Ortega, titingnan sana niya ang kanyang mga pananim na palay ngunit nakita niya ang nakatay na baka sa gilid ng kanyang palayan.
Ayon naman sa may-ari ng baka, inakala niyang nakawala lamang ang kanyang alaga kaya hinanap niya hanggang sa makita si Ortega at sinabi sa kanya ang nakitang kinatay na baka sa gilid ng kanyang palayan.
Positibo namang kinilala ni Villasfler na pagmamay-ari nito ang kinatay na baka na ulo, paa, balat at buntot na lamang ang iniwan ng mga magnanakaw.
Ayon sa pulisya maaring batikang partidor at nasa apat na tao ang kumatay sa nasabing baka.
Palaisipan pa rin sa pulisya ang motibo ng mga pinaghihinalaan dahil mayroon pang dalawang baka sa lugar at wala naman umanong kaaway ai Villasfler.
May nakitang bakas ng tatlong gulong sa lugar kaya maaring sa trike isinakay ang karne ng baka.