-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Isabela Provincial Health Office (IPHO) ang kahandaan ng mga pasilidad kaugnay sa sakit na Monkeypox.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nelson Paguirigan, Provincial Health Officer ng Isabela, sinabi niya na nagsasagawa na sila ng Health Education Campaign at nakahanda na rin ang Advocacy at Information Drive tungkol sa monkeypox upang malaman ng mga Isabelino ang kanilang gagawin.

Paalala ng doctor na nasa 21 days pagkatapos mahawa ay saka pa lamang makakaranas ang infected na tao ng lagnat, rashes at paglabas ng tila bulutong sa ilang parte ng katawan.

Ito ang dahilan kaya mahalaga ang pagkakaroon pa rin ng social distancing at pagsusuot ng facemask.

Naihahawa ang naturang sakit sa pamamagitan ng body fluid ng isang carrier.

Pakiusap niya na kapag nakaranas ng mga nasabing sintomas ay makipag-ugnayan agad sa kanilang Rural Health Units upang ma-isolate at maiwasang makapanghawa.

Magkakaroon din ng pag-aaral at obserbasyon tungkol sa maaring pagpapatupad ng restrictions para sa mga maaring paglala ng kaso.

Handa naman ang isolation units ng IPHO at mga pagamutan sa lalawigan.