-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpadala ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng panibagong 1,000 na kaban ng bigas na karagdagang tulong sa mga apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Taal sa Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na ibiniyahe na kagabi ang 1,000 na kaban ng bigas na dagdag sa naunang 1,000 na ipinadala noong January 15, 2020.

Idiniretso ang mga bigas sa 1st District ng Batangas na na nasasakupan ni Congresswoman Eileen Ermita-Buhain, sa 2nd district na nasasakupan ni Congressman Raneo Abu at sa 6th district na nasasakupan ni Rep. Vilma Santos-Recto.

Sa naunang 1,000 na kaban ng bigas na tulong ng pamahalaang panlalawigan ay dinala sa Tagaytay City ang 500 cavan habang ang 500 pa ay ipinasakamay kay Governor Dodo Mandanas ng Batangas.

Bukod sa bigas ay nakalikom din ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng 114,672 pesos na cash mula sa mga pinuno, empleyado at mga uniformed personnel na dumalo sa flag raising ceremony kahapon sa provincial capitol sa Lunsod ng Ilagan.