-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi umano napagbigyan ng tamang oras ang Isabela Consumer Watch Incorporated na magtanong ng mga isyu at maglabas ng mga concerns sa Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 sa ginanap na Annual General Membership Assembly (AGMA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Raffy Jacinto, pangulo ng Isabela Consumer Watch Incorporated na inireport ng ISELCO 2 na may 8,600 member consumers ang nagparehistro ngunit kitang kita niya na ang Community Center sa lunsod ng Ilagan ay hindi napuno dahil mayroon itong capacity na 5,000 katao.

Binigyang diin niya na walang quorum sa naganap na AGMA ng ISELCO 2.

Sa kabila na walang quorum ay ipinagpatuloy pa rin ang AGMA na kanilang sinang-ayunan dahil mayroon din silang mga isyu na kailangang malinawan.

Reklamo niya sa pagsasagawa ng AGMA ng ISELCO 2 ay wala silang sapat na oras at hindi binigyang pansin ang kanilang isyu sa open forum.

Kahit aniya tumayo ang mga member consumer na magtanong ay hindi sila pinapansin.

Sinabi niya na marami silang isinisingit na hindi naman mahalaga sa AGMA kaya kinulang sila ng oras sa open forum.

Ilan sa kanilang nais ihayag ay ang gumawa ng resolusyon na ihahain sa Sangguniang Panlalawigan upang makakuha ng power sa SN Aboitiz at paggamit ng renewable energy.

Samantala, nilinaw ng ISELCO 2 na nasagot ang mga isyu at concerned ng mga member consumers sa open forum sa ginanap na AGMA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Acting General Manager Engr. Ernie Baggao ng ISELCO 2 na ang katatapos na AGMA na ginanap sa lunsod ng Ilagan ay naging matagumpay dahil ito ang kauna-unahang nakakuha ng 5% para magkaroon quorum.

Nilinaw niya na ang dalawang katanungan sa isinagawang open forum sa ginanap na AGMA ay nasagot nila ng tama.

Ilan sa katanungan ay ukol sa pagkuha ng power sa SN Aboitiz na kanilang nilinaw na dalawang linggo na ang nakakaraan at nagtatrabaho na sila para makakuha ng power sa SN Aboitiz sa tulong ng mga mambabatas sa Isabela.

Sa paggamit naman ng renewable energy ay kanilang inihayag na mayroon nang nag-proposed na magpatayo ng renewable energy sa San Pablo, Isabela.

Sinabi ni Engr. Baggao na nakahanda silang lumagda sa isang kasunduan sa pagpapatayo ng renewable energy sa San Pablo, Isabela dahil ito ay mas mura.

Binigyang diin niya na nakahanda ang pamunuan ng ISELCO 2 na pumasok sa mga kasunduan para sa pagpapababa sa singil sa kuryente.

Napag-usapan sa ginanap na AGMA ang power rate reduction na P2 noong Disyembre at 55 Centavos ngayong Enero.

Pinag-usapan din ang mga payment discount at ang karagdagang surcharge sa mga hindi nakakabayad sa tamang oras.

Kailangan umanong magpataw ng surcharge sa mga hindi nakakapagbayad ng kuryente.