-- Advertisements --
ISRAEL CONFILICT

Ipapa-cremate ang labi ng isa sa dalawang nauna nang napaulat na Pinoy na namatay sa gitna ng pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas sa Israel.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac ang nasabing desisyon ay mula sa pamilya ng biktima.

Aniya, sa kasalukuyan ay pinoproseso na ng mga ahensya ang agarang pagpapauwi sa abo ng namatay na OFW.

Matatandaan na kinilala ang dalawang nasawi na sina Angeline Aguirre, isang nurse, at Paul Vincent Castelvi, isang 42-anyos na caregiver.

Napatay si Aguirre matapos niyang piliin na manatili sa kanyang matandang pasyente habang pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang isang bomb shelter sa Israel.

Habang balak ni Castelvi na bumalik sa Pilipinas para magbakasyon para sorpresahin ang kanyang ina ngunit kasama sa binawian ng buhay.

Kaugnay niyan, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 70 Pinoy ang humiling na mapauwi sa Pilipinas sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Israel.

Ngunit sinabi ni De Vega na nasa ilalim ng blockade ang Gaza at sinisikap na nilang magkaroon ng mga humanitarian corridor na magbibigay-daan sa mga Pilipino na makalabas sa naturang bansa.