Sumuko na rin sa mga awtoridad ang isa pang suspek sa insidente ng hazing na humantong sa pagkamatay ng criminology student na si Ahldryn Leary Bravanate.
Kinumpirma ito ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Redrico Maranan.
Tinukoy ang naturang suspek na si John Xavier Clidoro Arcosa, 18 anyos, na nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit.
Sumuko ito sa awtoridad sa tulong na rin ng kanilang mga magulang.
Ayon sa QCPD, ang 25 anyos na biktima na graduating student mula sa Philippine College of Criminology (PCCR) ay isinugod pa sa isang ospital sa Maynila ng 2 frat men noong Lunes Oktubre 16 na wala ng malay at nagtamo ng iba’t ibang galos sa katawan.
Una ng sinabi ni Maranan na matapos umamin ang mga kasamahan ni Bravante na nagdala sa kaniya sa ospital matapos ang isinagawang initiation rites na sina Justine Artates Cantillo, at Kyle Cordeta De Castro, natukoy pa ang 11 iba pang suspek na sangkot sa pagkamatay ni Bravante.
Naglunsad na rin ng manhunt operation ang QCPD para arestuhin ang mga suspek.
Ibinunyag din ni Maranan na nakatanggap ng humigit-kumulang sa 60 paddle hits si Bravante sa kasagsagan ng initiation rites.