-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isa pang Pilipino ang inaresto may kinalaman sa pagkamatay ng mag-asawang Hapones sa Tokyo.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega, naglunsad na ang Philippine Embassy sa Japan ng sarili nitong imbestigasyon sa pag-aresto sa isang Pinoy matapos umanong makita sa closed-circuit television (CCTV) footage na naroon siya sa lugar kung saan natagpuang wala ng buhay ang mag-asawang Hapones na may mga saksak sa katawan.

Ngunit nilinaw ni USec. de Vega na hindi konektado ang pangalawang suspek kay Hazel Ann Morales, ang Pinay na una ng iniulat na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng pagkamatay ng mag-asawang sina Norihiro at Kimie Takahashi.

Aniya, maaaring inosente si Morales at ang isang Pinoy na lalaki ang posibleng responsable sa krimen.

Saad pa ni De Vega na itinanggi na ni Morales ang kaniyang pagkakadawit sa pagpatay sa mag-asawa.

Nilinaw din ni USec. De Vega na abandonment lang ang kinakaharap ni Morales at hindi murder.

Maalala na noong Enero 21, una ng iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na inaresto si Morales dahil sa umano’y pag-abandona niya sa labi ng mag-asawa na natagpuan sa Adachi Ward.

Hindi naman malinaw kung si Morales ay isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa mag-asawa ngunit ayon kay USec. de Vega ang mga biktima ay mga magulang ng kanyang kinakasama.