BOMBO DAGUPAN- Isa ang nasawi habang isa ang nasugatan sa nangyaring pagsabog sa Sitio Calit sa barangay Banaoang sa bayan ng Calasiao, Pangasinan.
Ayon kay PLTCol. James Patrick Calibuso, Chief of Police ng Calasiao Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Cesar Arnaiz Sambas, 47-anyos, sales agent sa isang company vehicle, may-asawa, at residente ng Brgy Tebeng, sa lungsod ng Dagupan.
Lumalabas sa imbistigasyon na bandang ala-una ng hapon, habang nag-aayos ito ng motor ay may biglang sumabog at sa lakas nito ay tumilapon rin ang kasama nito at nasugatan na nakilalang si Jomar Mirasol, 29-anyos, may-asawa, maintenance crew sa nasabing kompanya, at residente rin sa nabanggit na lugar.
Saad ng opisyal, may tumawag sa kanilang opisina at na-ireport na may nangyaring insidente sa naturang lugar.
Agad namang rumesponde ang hanay ng kapulisan, at ng Bureau of Fire Protection sa naturang bayan. Nakipag-ugnayan rin aniya ang kanilang hanay sa Scene of Crime Operations upang malaman kung saan ang ugat ng nangyaring pagsabog.
Wala namang nakikitang foul play sa nangyaring insidente.