Iminungkahi ng Iran na maningil ng bayad sa mga barkong dadaan sa Strait of Hormuz bilang bahagi ng posibleng kasunduan upang wakasan na ang digmaan laban sa Estados Unidos at Israel.
Ayon sa isang mataas na opisyal ng Iran, nais ng Tehran na maisama sa isang permanenteng kasunduan ang karapatang magpataw ng bayarin sa mga barkong dadaan sa naturang daungan.
Ang halaga ng bayad ay nakadepende umano sa uri ng barko, kargamento, at iba pang kondisyon.
Ang Strait of Hormuz ay isang makitid na daungan may lapad na humigit-kumulang 34 kilometro sa pagitan ng Iran at Oman, at nagsisilbing pangunahing ruta ng halos 20% ng suplay ng langis sa buong mundo, pati na rin ng iba pang mahahalagang kalakal.
Nauna nang sinabi ni Iranian Deputy Foreign Minister Kazem Gharibabadi na bumubuo ang Iran at Oman ng isang kasunduan na mag-oobliga sa mga barko na kumuha ng permit bago makadaan sa Strait of Hormuz. Ayon sa kanya, layunin nitong mapadali ang pagdaan ng mga sasakyang pandagat.
Kinumpirma naman ito ng Oman kung saan layunin daw nitong tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko sa karagatan, bagamat wala pang malinaw na kasunduang naipapasa.
Mula nang simulan ng Islamic Revolutionary Guard Corps ang pagharang sa daungan, kakaunti lamang ang mga barkong nakadaan dito. May mga ulat din na may isang barko ang nagbayad ng $2 million para makatawid, lamang ngunit ‘wala pa itong kumpirmasyon sa ngayon.
Ayon sa mga shipping industry, wala pa sa kasaysayan na ang isang bansa ay naningil ng bayad para lamang payagang makadaan sa karagatan.
Sumang-ayon dito ang United Arab Emirates kung saan sinabi nito na hindi dapat gawing bihag ang anumang bansa para lamang makadaan sa Strait. Sinang-ayunan din ito ng Qatar, dapat daw manatili lang itong bukas sa lahat ng bansa.
Sa ilalim naman ng United Nations Convention on the Law of the Sea, hindi maaaring maningil ang mga bansang nakapaligid sa isang strait kapalit ng simpleng pagdaan ng mga barko. Maaari lamang silang magpataw ng ”limited fees” para sa mga serbisyo doon tulad ng pilotage o port assistance.
















