Iginiit ng Iran na dapat munang ipatupad ang ceasefire sa Lebanon at palayain ang mga nakablock na Iranian assets bago magsimula ang nakatakdang peace talks sa Pakistan ngayong Sabado. Dahil dito, nagkaroon ng pag-aalinlangan sa posibilidad ng negosasyon.
Ayon kay Iranian parliament speaker Mohammad Baqer Qalibaf, nauna nang napagkasunduan umano sa Estados Unidos ang mga kondisyong ito, at hindi sila makikilahok sa usapan hangga’t hindi ito natutupad. Parehong nanawagan din si Foreign Minister Abbas Araqchi ng pagtigil ng Israeli airstrikes sa Lebanon.
Wala pang opisyal na tugon mula sa White House, habang sinabi ni US PRES Donald Trump na nakaantabay ang US warships at handang muling umatake kung mabibigo ang negosasyon. Samantala, inaasahan ni US Vice President JD Vance na magiging positibo ang resulta ng usapan ngunit nagbabala na hindi sila magpapaloko sa proseso.
Patuloy ding isyu ang bilyong dolyar na Iranian assets na naka-freeze sa ibang bansa dahil sa sanctions ng US, na isa sa pangunahing hadlang sa mas malawak na kasunduan sa pagitan ng mga panig. (report by Bombo Jai)
















