Ikinasa ng Iran ang muling pagsasara ng Strait of Hormuz dahil sa patuloy na “blockade” o pagharang ng Estados Unidos sa kanilang mga daungan.
Tinawag ng Iran na “piracy” o pandarambong sa dagat ang ginagawa ng US.
Isang araw lang matapos ianunsyo ng Iran na bukas na ang Hormuz Strait kasunod ng deklarasyon ng sampung araw na tigil-putukan o ceasefire sa pagitan ng Lebanon at Israel, binawi ito ng Iranian military.
Iniulat ng mga maritime security sources na may mga putok ng baril na nagmula sa mga gunboat ng Iran laban sa isang tanker. Maraming barko ang bumalik dahil sa matinding tensyon.
Sa Hormuz Strait nga dumaraan ang halos 20% ng langis sa buong mundo, kaya ang pagsasara nito ay nagdudulot ng takot sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ng Iran na mananatili ang mahigpit na kontrol sa nasabing karagatan hangga’t hindi inaalis ng Amerika ang kanilang naval blockade.
















