NAGA CITY – Nilipad at nasira ng malakas na hangin na dala ng isang ipu-ipo ang bubong ng mga kabahayan sa ilang bahagi ng lungsod ng Naga at ilang katabi nitong bayan kahapon, Hulyo 2, 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Reynaldo Tamao Jr, isang construction worker, bandang alas-4 ng hapon kahapon ng mamataan ang ipu-ipo malapit sa kanilang barracks sa Dalipay, Milaor, Camarines Sur.
Aniya, nakita na lamang nito na nililipad na ng malakas na hangin ang mga bubong ng mga kabahayan malapit sa kanilang barracks.
Dahil sa takot, agad itong nagkubli sa loob ng kanilang barracks ngunit maging ito ay hindi nakaligtas sa nasabing pangyayari, maging ang kanilang mga gamit ay nilipad rin ng hangin patungo sa palayan.
Maliban pa dito, mayroon rin umanong ilang poste ng Camarines Sur Electric Cooperative Incorporated ang natumba habang naputol naman ang linya ng kuryente sa ilang lugar dahil sa nasabing ipu-ipo na agad rin namang inaksyunan ng ahensya.
Samantala, dagdag pa ni Tamao magtatayo muna sila ng tent at mga tolda na magsisilbing pansamantala nilang pahingahan habang inaayos pa ang nasira nilang barracks dahil sa pangyayari.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuoang pinsala na posibleng iniwan ng nasabing ipu-ipo sa mga naapektuhang lugar.