Nagbabala ang Communist Party of the Philippines (CPP-NPA) hinggil sa posibilidad na sumali sa rebeldeng grupo ang mga estudyante katutubo na naapektuhan ng mga pinasarang Lumad schools ng Department of Education (DepEd) sa Mindanao.
Ayon sa CPP, hindi malabong New People’s Army ang maging takbuhan ng mga katutubo sa naturang hakbang.
Tila sinasagad na raw kasi ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga polisiya nitong kontra sa mga Lumad.
Gaya ng pag-okupa ng militar sa mga komunidad, pagkuha sa mga ancestral lands at patuloy na red-tagging sa organisasyon ng mga indigenous people (IP).
“By ordering the closure of these community schools, the Duterte regime is teaching the lumad people and youth by negative example why the armed struggle is just and why joining the NPA is necessary in their quest for democracy and social justice.”
Kamakailan nang ipagutos ni Education Sec. Leonor Briones ang pagpapasara sa 55 Lumad schools.
Ito’y kasunod umano ng ulat ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na tinuturuan ng anti-government propaganda ang mga estudyanteng katutubo.
Pero dinepensahan ito ng kalihim at sinabing kulang sa compliance ang naturang mga paaralan kaya ito pansamantalang sinuspinde.