-- Advertisements --

Aabot sa 100 mga bala at isang sex toy ang natagpuan sa loob ng isang shipment ng mga personal at household items ang nasamsam ng Bureau of Customs Port of Cebu noong nakaraang linggo.

Natuklasan ito matapos isinagawa ang physical inspection at iba pala sa idineklara ang laman nito.

Nagmula pa umano sa Estados Unidos ang nasabing shipment.

Wala rin umanong supporting documents ang mga ito tulad ng mga clearance mula sa Firearms and Explosives Unit ng Philippine National Police.

Kabilang sa nasamsam na mga smuggled na bala ay ang 50 rounds ng 9 mm caliber, 55 rounds ng 30-30 caliber, nine rounds ng .357 caliber, apat na round ng 4.5 premium grade PBS, at 500 piraso ng 1.77 pointed pellets.

Agad na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Charlito Martin R. Mendoza matapos nakitaan ng probable cause para sa mga paglabag sa Sections 117 at 118 kaugnay ng Section 1113 (F) at (L-5) ng Customs Modernization and Tariff Act.

Pinaalalahanan naman ang publiko na sumunod sa mga umiiral na batas ng Customs at tiyaking may mga kinakailangang dokumento ang kanilang mga padala upang maiwasan ang pagkumpiska.