-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinasinayaan na ngayong araw ang isang silid-aralan na ipinatayo sa San Francisco Elementary School sa Alicia, Isabela bilang bahagi ng Balikatan Exercise ng Philippine Army at US military.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nagkaroon ng ground breaking ceremony sa naturang proyekto na pinangunahan ng Philippine Army at US Military bilang proyekto sa Engineering Civic Action Program (Encap) ng Balikatan.

Bukod sa Alicia, Isabela ay mayroon ding tatlong kahalintulad na proyekto sa lalawigan ng Cagayan.

Ang naturang proyekto ay naglalayong makapagbigay ng humanitarian assistance.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Head Teacher 3 Jessica Dela Cruz ng San Francisco Elementary school, sinabi niya na lubos silang natutuwa dahil sa buong probinsya ng Isabela ay sila lamang ang napiling mabigyan ng naturang proyekto.

Malaking bagay ito para sa kanila lalo na ngayon na palapit na ang pagsasagawa nila ng face to face classes.

Nagsasagawa na sila ng assessment para sa face to face classes at uunahin nila ang mga Kinder hanggang Grade 3 na mag-aaral.

Labis ang pasasalamat nila sa Philippine Army at US Army na nanguna sa proyektong ito gayundin sa pamahalaang lokal ng Alicia at Brgy. San Francisco.