Planong dagdagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ibang items ang ipinamamahagi nilang family food packs tuwing may kalamidad at nagkakaroon ng relief operations.
Sinabi ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na iminungkahi ni National Nutrition Council Executive Director Dr. Azucena Milana Dayanghirang na lagyan din ng gulay ang family food packs na ipamimigay para hindi puro sardinas at corned beef lamang ang nakakain ng mga biktima ng kalamidad, lalo na ang mga nasa evacuation centers.
Ayon kay Tulfo, pag-aaralan nila ang mungkahing ito at magsasagawa ng mga pagpupulong hinggil sa panukala.
Ilan lamang aniya sa iminungkahi na isama sa food items ay mushrooms o kabute at iba pang gulay na naka-package.
Ang planong ito ay bilang pagtugon na rin sa isiniwalat ng ibang opisyal na maraming mga Filipino ang malnourished dahil hindi nakakakain ng tama at masustansiyang pagkain, resulta na rin ng nararanasang kahirapan dala ng patuloy na pandemya ng COVID-19.