-- Advertisements --
pnp

Pumalo na sa mahigit isang libong mga pulis ang pinatawan na ng kaparusahan ng pamunuan ng Philippine National Police nang dahil sa katiwalian.

Sa gitna ito ng walang humpay at nagpapatuloy na kampanya ng pambansang pulisya laban sa mga police scalawags sa bansa.

Sa ulat na inilabas ng PNP, lumalabas na mula noong Hulyo 1, 2022 hanggang Disyembre 7, 2022 ay umabot na sa kabuuang 1,211 na mga pulis ang pinatawan na ng iba’t-ibang sanctions tulad ng pag-aalis ng pribilehiyo ng mga ito hanggang sa pagtatanggal sa mga ito sa serbisyo.

Anila, mula sa bilang na ito ay natanggal na sa serbisyo ang nasa 279 na pulis nang dahil sa iba’t-ibang administrative charges na isinampa laban sa kanila.

Nasa 79 naman ang mga demoted, 472 ang mga nasuspinde, habang nasa 381 na mga pulis naman ang pinarusahan ng forfeiture of salary, reprimand, restriction, at withholding of privileges.

Sa katunayan nga nito, kamakailan lang ay nakaaresto ang mga otoridad ng dalawang kabaro nila na kapwa PNP police anti-corruption agents mula sa Makati City Police Office nang dahil sa kasong pangongotong.

Kinilala ang mga ito bilang sina Patrolman Mark Dann P Advincula, at Pat Mark Joseph Segador, na parehong naka-assign sa Sub-station 6 ng Makati City Police Station.

Ayon sa report, naaresto ng PNP Integrity Monitoring ang Enforcement Group ang dalawa sa isang entrapment operation matapos itong mangotong sa isang babae na subject din ng pulisya sa bukod na reklamo ng isang foreign national nang dahil naman sa pagkawala ng kaniyang ATM Card at pera.

Agad naman itong inaresto ng mga otoridad kung saan nakuha sa mga ito ang dalawang service firearms, ID Cards, at iba pa.

Samantala, sa isang pahayag naman ay mariing kinondena ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang insidenteng ito at sinabing hinding-hindi aniya kukunsintihin ng pambansang pulisya ang anumang iregularidad at kawalang disiplina sa serbisyo ng kapulisan.

Aniya, dahil dito ay mas lalong magiging matatag ang kanilang buong hanay sa pagpupursigi sa pagdidisiplina sa kanilang mga tauhan.

Ngunit binigyang-diin niya ang kahalagahan pa rin ng team work o pagtutulungan ng lahat ng mga law enforcement agencies para sa mas maigting na internal cleansing sa hanay ng mga otoridad kasabay pa rin ng pagpapahalaga sa kapakanan at seguridad ng taumbayan.

Kung maalala, una rito ay nagbabala na rin mismo si Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga police scalawags na itigil na ang kanilang mga masasamang ginagawa dahil hindi aniya sila titigil hangga’t hindi nila ito nasusugpo at tuluyang maparusahan ang sinumang sangkot sa nasabing ilegal at masamang gawain.