Tiniyak ng Interagency Council for Traffic (I-ACT) ang mas maigting na operasyon laban sa mga pasaway na motorista lalo na ngayong Pasko.
Sa pahayag ng I-ACT, ito ay dahil na rin sa muling pagsigla na naman ng lansangan.
Ayon sa I-ACT, naglipana na naman ang mga pasaway na driver sa Metro Manila.
Katunayan, sa isang linggong operasyon ng I-ACT mula December 12 hanggang 16, pumalo ng mahigit 127 na driver ang nahuli na karamihan ay mga rider sa Monumento, Caloocan City at Commonwealth Avenue, Quezon City na walang suot na helmet o patuloy na gumagamit ng substandard helmets.
Ilan pa sa nahuli ay ang mga public utility vehicles (PUV) at private vehicles sa Ayala, Makati City na hindi sumusunod sa traffic signages, illegal terminal, walang rehistro, may depektibong turn signals at sobra sobra kung magsakay ng pasahero.
Kasunod nito, muli namang nagpaalala ang Task Force na pairalin ngayong kapaskuhan ang pagiging magalang sa daan at may pakundangan sa kaligtasan ng kapwa motorista.