Maglulunsad ng operasyon ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) laban sa mga iligal na sasakyan na pumapasada sa panahon ng Undas.
Layon nito ay para makatiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na lalabas at papasok ng Metro Manila bago at pagkatapos ng Undas.
Ayon kay Charlie del Rosario, Chief ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) na nasa 27 kolorum na ang kanilang nahuli ngayon kabilang na ang ilang SUV at mayroon pa silang binabantayan sa mga susunod na operasyon.
Aabot sa P200,000 ang multa sa van habang P-1 milyon ang multa sa bus kapag sila ay napatunayang kolorum.
Samantala, pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung gaano karami ang bibigyan ng special permit na mga sasakyan para masuportahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal.
Magugunitang, nakaugalian ng mga Pilipino na umuwi ng probinsya para bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay.
Dalawang araw bago ang Undas, inaasahang dadami na ang mga pasahero sa mga bus, paliparan at daungan kaya’t nakatutok ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan.