-- Advertisements --
image 460

Nagsagawa ng final inter-agency conference ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Camp Crame para sa gaganaping FIBA Basketball World Cup 2023 sa bansa.

Ayon sa Philippine National Police, ang naturang pagtitipon ay dinaluhan ng iba’t-ibang mga stakeholders at ekspert mula sa MMDA, DOH, BJMP, MIAA, at maging ang Local Organizing Committee of FIBA Basketball World Cup 2023.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations PLTGEN Michael John Dubria dito ay tinalakay hindi lamang ang pgbibigay seguridad sa mga delegado, kundi tututukan na rin nito ang iba pang aspeto ng FIBa Basketball World Cup.

Kabilang sa mga napag-usapan ay ang paglalatag ng security plans para sa crowd management, emergency response, traffic control, at public health measures upang tiyakin pa rin ang magiging seguridad ng lahat ng mga dadalo sa naturang malaking sporting event.

Kasabay nito ay binigyang-diin din ni LTGEN Dubria na siya ring tatayong overall supervisor ng FIBA Basketball World Cup 2023 na dedikado ang Pambansang Pulisya na tiyaking ligtas at magiging matagumpay ang hosting ng Pilipinas dito.

Aniya, ito ay isang pagkakataon upang maipamalas ang kakayahan ng bansa sa pagdadaraos ng isang world class event.

Samantala, kaugnay nito ay aabot naman sa 2,589 na mga pulis sa NCRPO ang ipinakalat, habang nasa 363 na mga pulis naman mula sa Police Regional Office 3 ang idineploy, habang nasa kabuuang 2,904 na mga force multipliers naman ang itinalaga para tumulong sa pagbabantay at pagpapanatili seguridad sa bansa sa kasagsagan ng pinaka-inaabangang FIBA Basketball World Cup 2023.