-- Advertisements --

Pumanaw na si Felicien Kabuga, isa sa mga pangunahing suspek sa 1994 Rwandan genocide, habang nahaharap sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, ayon sa United Nations.

Kinumpirma ng International Residual Mechanism for Criminal Tribunals na namatay si Kabuga sa isang ospital noong Sabado, Mayo 16, sa edad na 90.

Matagal na itinuring si Kabuga bilang isa sa most wanted fugitives sa buong mundo dahil sa umano’y papel nito sa pagpopondo at pagsuporta sa genocide sa Rwanda noong 1994, kung saan tinatayang nasa 800,000 katao ang nasawi sa loob lamang ng ilang buwan.

Inakusahan si Kabuga bilang isa sa mga nasa likod ng Radio-Television Libre des Mille Collines o RTLM, isang estasyon ng radyo na umano’y nag-udyok sa mga ethnic Hutu na patayin ang mga Tutsi sa kasagsagan ng genocide.

Bukod dito, pinaniniwalaan din siyang namahagi ng mga machete at sumuporta sa mga grupong sangkot sa malawakang pamamaslang.

Noong 2020, naaresto si Kabuga sa Paris matapos ang halos tatlong dekadang pagtatago gamit umano ang iba’t ibang pekeng pagkakakilanlan at pasaporte.

Pagkatapos maaresto, inilipat siya sa The Hague kung saan hinarap niya ang mga kasong genocide, conspiracy to commit genocide, incitement to genocide, at crimes against humanity kabilang ang murder at extermination.

Mariin namang itinanggi ni Kabuga ang lahat ng akusasyon at naghain ng not guilty plea sa korte.

Noong 2023, ipinahinto ng mga hukom ang paglilitis matapos ideklarang hindi na siya physically at mentally fit upang humarap sa korte.

Iniutos naman ng presiding judge na si Graciela Gatti Santana ang masusing imbestigasyon sa sanhi at kalagayan ng pagkamatay ni Kabuga.