Nagulat ang fans, followers, at netizens matapos ibunyag ng aktres na si Kaye Abad na matagumpay niyang nalampasan ang kaniyang laban kontra breast cancer.
Hindi kasi nagbigay ng anumang pahiwatig noon si Kaye tungkol sa seryosong kondisyon na kaniyang pinagdaanan simula pa noong 2025.
Noong Pebrero 2026, ibinahagi lamang ng aktres na siya ay tinamaan ng viral infection na “Herpangina,” ngunit hindi niya nabanggit noon ang tungkol sa kaniyang cancer diagnosis.
Sa kaniyang birthday vlog na inilabas nitong Linggo, Mayo 17, ikinuwento ni Kaye ang halos isang taong dokumentasyon ng kaniyang breast cancer journey, kabilang ang pagpapagamot niya sa Singapore kasama ang kaniyang mister na si Paul Jake Castillo.
Ayon sa aktres, nagsimula ang lahat nang makaranas siya ng matinding pananakit ng tiyan na una niyang inakalang simpleng acidity lamang. Dahil tumagal umano ito nang halos anim na oras, nagpasya siyang magpatingin sa doktor.
Sa isinagawang check-up, natuklasang mayroon siyang gallstones kaya sumailalim siya sa operasyon para maalis ang mga ito. Kasunod nito, iminungkahi rin umano ng doktor na sumailalim siya sa mammogram dahil sa kaniyang edad.
Doon nadiskubre na mayroon siyang malignant o cancerous tumor sa dibdib na umaabot na umano sa apat na sentimetro ang laki.
Ibinahagi rin ni Kaye na pansamantala muna nilang ipinagkatiwala sa kanilang mga kaanak ang dalawa nilang anak habang siya ay sumasailalim sa gamutan at pagpapagaling.
Aminado rin ang aktres na may kasaysayan ng breast cancer sa kanilang pamilya kaya hindi na rin umano lubusang nakakagulat ang naging diagnosis sa kaniya.
Sa kabila ng matinding pagsubok, sinabi ni Kaye na naging malaking sandigan niya ang matibay na pananampalataya sa Diyos at walang sawang suporta ng kaniyang asawa at pamilya.
Masaya namang inanunsyo ng aktres na maituturing na niyang cancer-free ang kaniyang sarili matapos ang kaniyang naging gamutan.
Bumaha naman ng suporta, panalangin, at pagbati mula sa netizens at kapwa celebrities ang rebelasyon ni Kaye tungkol sa kaniyang matagumpay na laban kontra cancer.
Mapapanood ang kabuuang detalye ng kaniyang journey sa kaniyang YouTube vlog.














